Pagkatapos ng exam ko kahapon sa Psychology ay pinili ko munang mapag-isa. Pumunta ako sa aming school gym upang makapag-isip, makapagmuni-muni, at matakasan na rin ang aking mga kaklase. May vacant akong isang oras noon at English ang aking susunod na klase. Umupo ako sa pangalawa sa pinakamataas na upuan doon. Tumambay ako at nanood ng mga taong naglalakad, nagkaklase, at mga tambay rin na aking mga kasama.
Dumating ang isang grupo ng mga estudyante, papunta sila sa aking kinauupuan, sila ay isang block na mag-eexam sa kanilang PE. Natanaw ko sila na paparating kaya lumipat ako sa mas mataas na upuan.
Nagsimula na silang mag-hiwa-hiwalay para sa kanilang exam, ako naman ay napipilitang panoorin nalang sila dahil wala ng magandang view doon. Meron itong isang babae na agad pumukaw ng aking tingin. Nakatalikod siya noon at naisip kong mayroon siyang kamukha kapag siya ay nakatalikod. Hindi siya humarap sa akin kaya hindi ko nakita ang kanyang mukha, basta ang alam ko lang eh halos magkatulad ang likod niya at ang likod ng babaeng aking naiisip.
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko at hindi ko ito maintindihan. At bigla ko nalang naramdaman na ang babaeng ito ay…
… namimiss ko na.


